my life is a sitcom

, ,

Bumili uli ako ng mocha cake a year after I lost my job

Same day last year, natanggal kami sa trabaho. Redundancy. I realized, di man lang ako nakapagkwento nito. After a year, ngayon ko pa lang siguro ipa-process yung feelings ko.

Ang weird nga ng announcement nila eh. Pinatawag yung buong department namin nung hapon, mga around 30 kami dun. Tinipon kami sa isang restaurant within the same building pero napapalibutan kami ng mga security guard na parang akala mo may crime scene. Naghanda pa sila ng pa-merienda. Pinakain muna kami. Tapos yun na. Nag-present lang ng bagong org chart na wala na yung ibang mga roles. Di pa sinabi na may tanggalang magaganap. Nung may nagtanong na, very casual lang na sinabi na magbabawas nga ng tao, 10 ang aalisin. Yun na rin yung last day kagad sa opisina. The rest of the month, naka-garden leave, meaning pwede nang di pumasok sa opisina the rest of the month.

Dun na nagsi-iyakan yung mga tao. Which is actually cruel if you think about it. 30 katao yung hindi sure kung may trabaho pa bang papasukan kinabukasan or wala na. Sabi nga sa neuroscience, mas nakakasira pa ng sanity yung uncertainty (which is actually not entirely true. May both positive and negative effects naman ang uncertainty. Iba rin ang sakit ng certainty na matatanggal ka talaga). Ginawa pa talaga nilang random. Inisa-isa kaming 30. Tatawagin yung pangalan namin tapos dadalhin sa room. Kaming mga natira, naghihintay lang sa restaurant waiting for our turn. Malalaman na lang namin kung natanggal or hindi pagbalik nung mga naunang tinawag sa restaurant kung saan kami naghihintay. To keep track nililista namin kung sino yung in or out. Chine-check namin kung umabot na ba sa 10 yung natanggal para naman yung iba kumalma na.

It wasn’t my first time na ma-retrench or ma-redundate. Pangatlong beses ko na actually. After 3 redundancy plots from 3 different companies, napaisip na lang ako na baka ako talaga yung redundant as a person char.

Kaya habang mentally tortured yung iba, ako kahit di ko pa confirmed that time na isa ako sa tatanggalin (it’s actually a relief kasi kung alam nyo lang yung na-endure kong pamamahiya, yung universe na mismo yung nagbalik ng dignidad ko nung natanggal ako. I mean, I didn’t know it yet, but that’s for another essay-writing entry), nagco-compute na ako kung magkano yung makukuha kong severance pay. 11th month ko na nun eh. Di man lang umabot ng 1 year sarado. Kaya compute ako ng compute kung magkano para alam ko kung ilang months ako magtatagal kasi di ko alam kung magkakatrabaho pa ba ako kagad. (I learned the hard way na mahirap pala maghanap ng trabaho pag Ber months). Magpapasko pa man din. Single mom pa ako na may isang anak.

Kamalas-malasan, ako pa yung one of the last na taong tinawag so na-witness ko lahat ng mga pamamaalam. So ang siste pala, kapag nadala ka dun sa isang room, kakausapin ka lang na parang temp check, it means retained ka. Pero pag dun sa kabilang room, may taga-legal, taga-HR, at taga-finance, i-explain lang yung redundancy. Papapirmahin ka ng papeles tapos bibigyan ka ng cheke. Ipapa-surrender yung laptop.

Yun na yun. Walang turnover. Kung tutuusin wala ngang hassle eh. Nakuha ko na kagad yung pera. (Pwede umabot pera ko by January). Di ko na kelangang maghalungkat ng files. Di ko na kelangang magtagal ng 1 month para makipagplastican.

Pero after a year ko lang na-realize kung gaano pala kasakit yung treatment na yun sa mga kasama ko. Yung iba, 5+ years na sa kumpanya.

Yung ibang 5+ years, umaakyat pa sa stage para parangalan ng loyalty award eh. Dito wala. Ironic nga na nakapag-celebrate pa kami ng birthday ng mga August, September, at October babies nung tanghali. Nag-ambagan pa kami ng pambili ng mocha cake sa Goldilocks.

Tapos wala man lang turnover? Need lang i-surrender yung laptop para mabura yung files. It’s the erasure. Parang pinapamukha lang na ganun ka-walang halaga yung years of service na di na nila kelangan kung ano man yung mga nagawa mo. 5+ years of service = empty recycle bin lang ang katapat.

During the whole ordeal parang ang ipina-feel lang sa amin, “Umalis na lang kayo kagad para matapos na. Dapat wala kayong bakas na ititira na nag-exist kayo dito sa institusyon na to.”

Pero after all, mas nanaig yung mga gestures ng ibang tao outside of our department. May isang executive pa nga na tumulong mismo sa amin maghakot ng gamit kasi pinapa-clear na yung desk namin nung gabing yun. Sya pa mismo nagtupi ng karton na hawak namin. Yung mga security guards very empathetic. Sila mismo sorry nang sorry habang tinutulungan nila kaming magbuhat ng gamit. Sila nga lang tumitingin sa mata namin kaya na-feel pa rin namin kahit papaano na tao pa rin kami more than a terminated employee. Marami ring nagpadala ng message ng support online, kaya na-feel namin na nag-matter naman pala presence namin na may bigat naman pala kahit papaano yung kawalan namin. Masipag pa silang mag-recommend at mag-share ng open to work namin sa LinkedIn.

Pero itong eksena naming apat na nung gabing yun, very melancholic. Naaalala ko how I tried to stay positive para ipakita sa mundo na matatag ako at di ako matatalo nito. Sa utak ko nagco-compute pa rin ako kung hanggang kelan yung taning ko.

After a year, napabili ako ng Goldilocks mocha cake. Meron kasi talaga syang nostalgic taste. Childhood birthday yung naaalala ko dati. Ngayon, it’s just a reminder na after a year, na-survive ko naman.

Leave a Reply